Nakita ko ang liwanag sa mga mata niya, hindi ko alam kung bakit ngunit nakaramdam ako ng kakaibang lungkot sa aking loob. Pilit kong isinantabi ang nararamdaman sa kubli ng isang ngiting daig pa ang colgate komersiyal to save the world from cavities. Ok lang, mas nanaisin ko pang itago na lang to kesa malaman niya. Naisip ko tuloy marahil sa pagkakataong ito, dumating na nga ang pinakahihintay niyang sandali, ang kanyang ultimate dream come true? Napagtanto ko ilang saglit lamang, teka teka…eh ano nga ba yun dream nitong mokong na to? Bakit kaya ang saya saya niya?
Kung kaya’t lumapit ako sabay tanong, “Hoy bakit kakaiba yang mukha mo, parang di maipinta di ko malaman kung natatae ka ba o ano, ano bang meron?� (sabay ngiting plastic na naman ako..na parang may camera sa harapan ko)
Walang anu-ano’t sinagot niya ang aking tanong sa pamamagitan ng isang yakap. Mahigpit ito at tila ayaw na niya akong pakawalan. Nagulat naman ako at niyakap din sha. Sa isip isip ko ng saglit na iyon: “kasing sabihin..walangya talaga tong taong to mamatay na ako sa suspense at kaba pero ok lang yon…hay..ang bango naman niya (sigh)�
At kahit medyo hindi na nga ako makahinga ay tiniis ko na lamang, siyempre ayoko naman sirain ang momentum niya , isa pa memorable moment ito na para bang pag nanood ka ng sine tapos ipapakita ang climax ng pelikula. Yung bida yayakapin ang leading lady dahil sa natamong tagumpay. Parang ganito yong moment na ‘to. Aba siyempre, ako ata ang leading lady!
Sa tinagal tagal na naming magkaibigan, nitong mga huling araw ko lamang din napagtanto sa aking sarili kung gaano kalaki ang impluwensiya sa akin ng aming pagkakaibigan. Nakita na ata ng nilalang na ito ang lahat lahat sa akin. Lahat ng pinagdaanan ko, lahat ng mga kaungasan ko, katangahan at samu’t saring karanasan sa buhay maliban sa isang bagay, bagay na tungkol sa kanya at sa aking sarili. At sa kabila ng lahat, ni minsan hindi ko nga rin naman nagawang sabihin sa kanya kung gaano siya kahalaga sa akin. Magtangka man ako, laging nanatili sa pagbabalak at pagtatangka. Laging nabibitin.
Sabi ko kasi lagi sa aking sarili, “bukas na lang kaya..baka tawanan lang ako nito eh.� Alam na alam ko sa aking sarili na labis akong magdaramdam kapag tinawanan niya ako kung kaya’t sa paglipas ng mga taon, kapag nagkakaroon ako ng pagkakataong sabihin sa kanya ang aking nararamdaman ay “bukas na lang� ang parati kong sinasabi sa sarili.
Hindi ko alam bakit hindi ko magawa, sa tuwing ibubuka ko na ang aking mga bibig ay iba naman ang lumalabas na mga salita. Hay naku, alam kong alam mo rin ang feeling ng ganito, yung parang may gusto kang sabihin na nasa dulo na ng dila mo tapos biglang iba yung lalabas. Katulad ng isang lalaking magtatapat sa isang babaeng gusto niyang mapaibig, akala mo handang handa ng magdeklara ng tunay niyang nararamdaman pero ang lalabas sa bibig “oy kamusta ka na? kumain ka na? tara labas tayo� Eh di balik na naman sa dati, iisipin ni babae na wala talagang gusto si lalaki sa kanya at talagang barkada lang sila. Hanggang doon na lang yon wala ng iba. Period. Pagkatapos isang araw, dadaan si babae sa harap ni lalaki at ipapakilala ang kanyang bagong nobyo. Kakamay si lalaki sa nobyo ni babae na parang wala lang sa kanya. Sabay pag-alis ng dalawa, mapapailing na lamang siya at sasabihing, “sana hindi ko na ipinagpabukas.�
Sa mga ganoong sitwasyon ako takot na takot baka dahil sa pagpapabukas ko..ganoon din ang mangyari kaya naman sa sasandaling mga yakap na yoon ay napagtanto ko agad na marahil ito na rin ang tamang oras upang sabihin sa kanya ang napakatagal ko ng nais sabihin. Pakiramdam ko tuloy ay nagtatalo ang aking puso at isip. Para akong mababaliw. Hindi pwede sabi ni isip. Sige na live for the moment pilit naman ni puso. Ano ba talaga kuya? Siguro iisipin ng marami, “sus, ang dali dali lang sabihin eh� yung iba naman makikiayon sa akin na kapag malalim na malalim ang nasasa-loob ng isang tao, tunay na mahirap itong maiparating sa pamamagitan ng mga salita. At ito rin ay nagpapatotoo sa maraming bagay dito sa mundo, sabi nga nila mayroon lamang itim o puti walang kulay gray.
Sa mahabang panahon alam kong nanatili ako sa gitna, sa kulay gray, sa aking comfort zone palibhasa isa akong duwag, takot sa maaring magbago sakaling malaman niya. Oo na duwag na kung duwag, pero kung kayo rin naman ang nasa katayuan ko, hindi maiiwasang ipagpanalanging manatili ang mga bagay-bagay o mga tao sa buhay nyo at isiping hindi ito magbabago lalong lalo na kung itong mga ito ay nakapagpapasaya sa iyo. Oo, alam ko rin mali itong ganitong pananaw, mamaya nyan dalihan mo pa ako ng linyang the only constant in this world is change.
Alam ko naman yon eh. Darating ang panahon na kailangang magbago ang takbo ng buhay. Hindi nga ba walang nananatili sa taas ng matagal, kung minsan nasa ibaba ka naman, kung minsan may pera kung minsan wala, at kung minsan malas ka minsan naman swerte.
At sana nga itong minsang ito swerte ako kung sakaling sabihin ko. Kung ano man yon na lumikha sa atin, saludo at bow ako sa kanya sa sobrang galing kung paano niyang nilikha ang napakakomplikadong nilalang tulad ng tao. Para sa akin, mananatiling misteryo ang tao na kahit gaano man niya katagal pag-aralan ang sarili niya, pira-piraso lamang ang makikita at matutuklasan niya sa sarili.
Ay teka teka, masyado ata akong nalibang. Mabalik tayo sa dati kong kwento, ito na nga at hindi ko namalayan na binitawan na pala niya ako. Nauna siyang magsalita, “meron akong good news, sobrang saya ko sobrang swerte ko pa!� (Naisip ko, naku sinuwerte daw siya…baka mamaya malasin ako…)
“Eh ano nga yon? Ikaw talaga pa-suspense pa!� sabay bulalas ko.
“Kasi ganito yon, natatandaan mo si Lea? Yung kababata ko noon, diba lagi ko siyang kinukuwento sayo? Babalik na siya mula sa Amerika at dito na uli titira�
“Ah si Lea, O taaaapooosss asan ang swerte don???�…(titingnan ko siya ng kakaiba pagpapahiwatig na di ko talaga gets ang sinasabi niya)
“Tapos ngayon na siya dadating, papakilala kita. Alam niyang ikaw ang besprend ko dito sa Pinas na lagi kong pinagmamalaki.�
“Ows? Ako pinagmamalaki mo? Di nga?� (Pabiro kong sabi pero sa loob-loob ko sasabog ata ako sa saya, di ko ata ito kaya, sa unang pagkakataon ay nabanggit niyang proud siya sa akin?)
“Oo naman! Ikaw talaga! Sabi ko pa nga kay lea magiging mabuting magkaibigan din kayo dahil kayo ang dalawang taong importante sa akin at hindi magbabago yon. Kaya swerte ako, makakasama ko kayo pareho.�
“Talaga lang ah, ang drama mo ha!� sabi ko. (Pero wag ka, parang kinilig ako…medyo..konti lang…o sige na nga, todo kilig ang naramdaman ko.)
“Ito naman minsan lang ako magdrama, tanggapin mo na. Saka nga pala kung pwede ka mamaya sunduin natin si Lea. Wala kasing susundo sa kanya eh, yung pamilya niya asa Amerika lahat tapos yun tita niya na dapat magsusundo eh may sakit. Kawawa naman yun pag walang sumundo eh di na ata sanay yon dito sa Pilipinas.�
“Uhh….o sige pwede siguro ako mamaya. Teka bakit parang iba yata ang concern mo dito kay Lea, akala ko ba eh kababata mo lang to at wala ng iba?� (Siyempre mag-usisa ba daw na parang girlfriend..sana hindi niya mahalata ang selos sa tono ng boses ko.)
“Ano ka ba, oo nga matagal na yon bata pa kami non pero siyempre matalik na kaibigan ko pa rin naman si Lea, we’ve kept in touch even when she was in the states.�
“So wala kang kahit anong feelings sa kanya?� (Ano ba to…sobra na ang pagtatanong ko…makakahalata na to..)
“Feelings? Hindi ko naisip yan, di ko pa naman kasi siya uli nakakasama kaya mahirap sagutin. Teka teka, eh bakit ba kanina ka pa tanong ng tanong, basta uuwi na si Lea at magiging magkakabarkada tayong tatlo.�
“Wala naman, curious lang to naman!� (Palusot pa ako kunwari pero talagang gusto ko lang malaman kung mayroon ba siyang gusto kay Lea…mukha namang wala kaya sige sasabihin ko na kaya?)
“So talagang desidido kang magkakasundo kami ni Lea ha�
“Oo naman, I’m sure magugustuhan mo yon!� (Sabay taas ng kilay ko...paano ko magugustuhan si Lea eh baka mamaya mawala ako sa eksena nito…pero siyempre, sa tanda na naming ito ayoko naman maging immature kaya hindi ko na lang hahayaan sirain ng feelings ko para sa kanya ang pagkakataong makilala itong si Lea. Naku..if I know, kala nyo makitid utak ko noh? Hindi ah…bigyan natin ng chance si Lea tutal sabi niya wala silang relasyon o kaya feelings sa kanya)
“O sige basta sabi mo ok siya kasama ha!�
“Oo naman, ako pa, kelan ba ako sumablay?�
“Titingnan natin� (sabay ngiting may halong sarcasm)
“O basta mamaya magkita na lang tayo, daanan na lang kita sa bahay niyo.�
“O sige ba, pero teka lang ako rin may sasabihin sa’yo, kala mo ikaw lang ang may surprise..ako din noh!� (sa mga oras na ito, mabuti na lang at nakatago ang mga kamay ko sa bulsa ng aking pantalon dahil nanginginig at nanlalamig ang mga ito sa kaba. Eto na…final answer..sasabihin ko na)
“Ah talaga? O ano naman ang balita mo? Good news rin ba to?� (Tinitigan ko ang mukha niya na parang isang batang naghihintay ng isang surpresa…hindi ko tuloy malaman kung makakasama ba o makabubuti ang sasabihin ko sa kanya.)
“Ummm..siguro good news…�
“O sige ano yon? Tingnan nga�
“Wag ka mabibigla ha, promise?�
“O bakit naman? Sige promise.�
Nilihis ko muna ang usapan. Sabi ko, “oo nga pala, napansin mo ba hindi na uso ngayon yun swear kundi promise na ang sinasabi ngayon?�
Natawa kami pareho sa komento ko, kahit sa isang saglit nalimutan niyang may sasabihin ako. Pero hindi rin nagtagal, naalala na naman niya.
“Oy ano nga yun sasabihin mo, kaw talaga paligoy-ligoy ka pa!�
“Eh kasi ganito yon, nung isang araw nag-grocery si nanay tapos may pa-raffle, eh nalaman namin nanalo siya ng barkada trip to boracay. Kaya tamang tama siguro pagdating ni Lea pwedeng tayo na lang ang gumamit non, tutal pareho tayong di pa nakakapunta don eh.� (in fairness, totoo naman talagang nanalo ang nanay ko sa raffle…ewan bakit nauna pa tong balitang to kaysa sa sasabihin ko tungkol sa feelings ko sa kanya)
“Aba! Ayos to ah, ang saya naman ng balitang yan, kaw talaga kala ko kung anong balita na yon, nung hindi mo pa sinasabi to kinabahan ako eh!� (sabay halakhak niya, ako naman tumawa rin…tawang di mapakali)
“O paano yan? Kita tayo mamaya ha, kelangan ko pa sunduin yung kapatid kong brat sa school niya eh.�
“ah ganon ba? Sige mamaya na lang� (sa loob-loob ko…ang talagang gusto kong sabihin “ah ganon ba? Sige bukas na lang..bukas ko na lang sasabihin ang feelings ko para sayo…�
Dudugtungan ko na dapat yung sinabi kong balita tungkol sa raffle, pero naunsyami na naman, baka bukas may moment uli dumating sa aming dalawa. Anong malay ko di ba? Baka bukas suwertehin ako, baka nga doble swerte pa.
(ay oo nga pala, di lang feelings ang dapat kong sabihin, dapat sasabihin ko rin na ang gusto ko ay siya, at ang mga kauri niya..mga lalaki…kaya nga selos na selos ako kay Lea…naisip ko nga baka mamaya niyan maging matchmaker pa yon at ipagparehas kami ni Lea…aba ayoko nga, hindi kaya ng powers ko…pero bukas na lang din siguro, baka bukas makaipon ako ng mas maraming lakas ng loob…saka oy ha hindi kaya madaling sabihin sa besprend ko na isa akong bakla…bukas na lang uli…haay…better luck next time)
(Para sa kaibigan kong si Renan)
Jenna
2003
Tuesday, July 27, 2004
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
bakit bukas na lang? ngaun na!
Post a Comment